Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Ang Dromedary



Ayon sa librong " The Book of Knowledge " na inilimbag noong 1964 ng Grolier Inc., ang dromedary sa unang pakahulugan ay ang uri ng kamel na may isang bukol o hump lamang sa likod. Sa pangalawang pagpapakahulugan nito, ang dromedary ay kamel na orihinal na nagmula sa bansang Arabya na ginagamit sa transportasyon o pagdadala ng mga bagahe. Nanggagaling kadalasan ang uri ng hayop na ito sa mga steppes ng Africa at maiinit na mga disyerto.

            Bukod sa pagkakaroon lamang ng isang hump sa likod, mahahaba ang mga paa nito't maiikli ang buhok. Ang maiikling buhok nito, kahit papaano, ay malaking tulong bilang panangga sa matinding init ng paglalakbay sa kahabaan ng disyerto. Ang dromedary ay may habang 300 cm., may taas mula 190 hanggang 230 cm. at may bigat na 600 hanggang 700 na kilo ( livius.org, 2016 ). Base naman sa " animals.national geographic ", umaabot ng pitong talampakan ang laki nito na kasali ang 2.1 na metrong haba ng hump sa likod at may karaniwang bigat na 726 kilo. Ang hump sa likod ng dromedary ay may kakayahang mag imbak ng tubig na may bigat na aabot hanggang 36 kilo. Bago ito nagiging tubig ay dinudurog ng katawan nito ang taba kapag matagal na itong hindi nakapag-iinom. Dahil sa hump na ito ay may kakayahang maglakbay ng isang daang milyang disyertong layo ang mga dromedary kahit na walang tubig. Malimit ring magpawis ang dromedary kahit na sa kabila ng paglalakbay nito sa disyerto. Kung papalit naman ito ng tubig sa katawan ay kaya nitong uminom ng 30 galon ng tubig o 135 litro ng tubig sa loob lamang ng 13 minuto (nat.geo,all rights reserved 2016).

            Ang buto ng uri ng kamel na ito ay maihahambing sa ivory. Mabibigat at matitigas ang mga buto nito kaya't nakakaya nito ang malawakang paglalakad ( The Book of Knowledge, 1964, Grolier Inc. ). Ang hugis din ng corpuscles sa dugo ng dromedary ay parihaba na maihahawig sa mga ibon at iilang mga reptalya. Sa iba namang mga mammals ay natural lamang ang hugis na bilog sa corpuscles ng dugo kaya't malaki rin ang pagkakatangi ng dromedary.

            Mula sa impormasyon ng livius.org, madaling palakihin at alagaan ang mga dromedary mula pa noong ika-tatlong millenium BCE. Nagsimula ang pagpapalaki ng mga dromedary sa peninsula ng Arabya. Naging sikat ang uri ng hayop na ito pagdating ng ika-siyam at sampung siglo BCE sa Near East. Ang paggamit ng dromedary sa ikalawang millenium BCE ng mga tribong nomadiko, sa pagkakasaad sa Biblikal na librong Genesis, ay halos siguradong hindi makasaysayan at nagpapakitang ang Genesis ay nagawa sa kalaunang panahon. Posibleng ang pagkakaiba ng mga dromedary na ginagamit sa kalakala't transportasyon at ang mga dromedary na ginagamit sa pakikipagkarera ay nagawa na noong lumang panahon pa. Sa kasalukuyang panahon, ang mga pangkarerang dromedary ay apat na beses na mas mahal kaysa sa dromedary na ginagamit bilang transportasyon at taga dala ng bagahe.

            Sa isang banda naman, ang uri ng kamel na may dalawang hump sa likod ay hindi sumikat bago pa man umusbong ang Islam. Nangangahulugan ito na sa isang sikat na Jewish proverb na " mas madali pa para sa kamel ang dumaan sa mata ng karayom kaysa sa isang mayaman para makapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay inihalintulad sa isang dromedary na pinabulaan ng bawat taga-salin ng banal na librong bibliya.

            Ang pagkakaugnay sa kamel o dromedary at pakikipagkalakalan ay nagbuo ng simbolo ng kayamanan. Ang dalawang Romanong emperador na sina Nero at Heliogabalus ay sumakay sa karyoteng hila-hila ng dromedary. Sa parehong panahon, simbolo din ang dromedary ng Far East. Sa kristiyanong simbahan naman, ang tatlong hari na nagbigay handog kay Kristo ay sakay ng dromedary sa buong paglalakbay.

            Sa ngayon, ang dromedary ay ikinokonsiderang maganda kapag kumikintab ang buhok nito, diretso ang paa, mahaba ang leeg at nakapahinga sa matitibay nitong balikat. Ginagamit rin sa pagpapaligsahan ang dromedary kung ito ay may katangiang modernong ganda na kung saan maaaring manalo ng milyon ang may ari ng pinakamagandang dromedary sa paligsahang ito. Sa iba naman, ay nanatili sa matinding alaga ng beterinaryo at animal care organizations ang hayop na ito ngunit kadalasan itong mas makikita sa loob ng isang zoo.


Panunulat ni: Bryan Pacao

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento