Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Ang Nakakubling Yaman ng Bayan ng Alegria


Ang bayan ng Alegria ay isa sa mga bayan sa lalawigan ng Cebu na matatagpuan sa rehiyon ng timog-silangang Visayas. Ang bayang ito ay napapaligiran ng Badian sa hilaga at Dalaguete naman sa silangan. Ito ay binubuo ng siyam na barangay at ayon sa sensus noong taong 2015, ang bayang ito ay may 23,300 na dami ng populasyon.

Nakasaad sa blog ng Cebu-bluewater na noong taong 1850 kung kailan nasakop ng mga Espanyol ang lugar na ito, hindi pa Alegria ang tawag sa lugar na ito sa halip ito ay tinawag nilang “Tuburan” na nangangahulugang batis dahil ang lugar na ito ay mayaman sa mga batis. Nabanggit din dito na ang bayang ito ay dating parte ng bayan ng Malabuyoc ngunit noong Enero 31, 1850 ang mga mamamayan ng Tuburan ay humingi ng petisyon upang mahiwalay sa dati nitong bayan na siya namang tinugunan ng mga lider ng Malabuyoc na naging daan upang tuluyan itong maging isang bayan. Ngunit noong ika-25 ng Setyembre sa taong 1850 napagdesisyunan na palitan ang pangalan nito bilang Alegria upang maiwasan ang pagkalito nito sa iba pang Tuburan na matatagpuan sa Balamban at Bago. Makalipas ang apat na taon mula sa pagiging Alegria nito inirekomenda ng pari ng simbahan sa Malabuyoc ang pagkakaroon ng sariling simbahan ang bayan ng Alegria noong ika-9 ng Agosto na tinugunan naman at naisakatuparan makalipas ang halos dalawang taon.

        Hindi lamang mayaman sa kasaysayan ang Alegria dahil mayaman din ito sa pangkabuhayan. Sa katunayan ang bayang ito ay ika-apat sa may mataas na kita sa buong bayan sa lalawigan ng Cebu batay pa rin sa blog ng Cebu-bluewater. Nakasaad din dito na isa sa pangunahing hanap-buhay dito ay pagsasaka at pagtatanim ng mga niyog, palay, mais, kamote at iba pang mga pangunahing pagkain na kanilang kinakain o di kaya’y ibinibenta nila sa pamilihan. Hindi lamang matatabang lupa na maaaring pagtaniman ang matatagpuan dito dahil pinagpala rin ito ng dagat na mayaman sa iba’t-ibang isda at iba pang yamang-dagat. Maliban sa pagsasaka at pangingisda, isa pang hanapbuhay nila ang paggawa ng iba’t-ibang produkto mula sa kawayan tulad ng paghahabi ng basket, sumbrero at iba pa na kanilang ibinibenta sa loob at labas ng bansa.

Ang Alegria ay isa rin sa mga dinarayong lugar sa Cebu upang pasyalan at pagbakasyunan dahil sa taglay nitong magagandang tanawin at mga natural at sariwang batis, talon at iba pang pasyalan. Isa sa magagandang pasyalan dito ay ang St. Francis Xavier Parish. Ayon kay Rjay Reyes (2015), ang estrukturang ito ay naitayo noong Marso 13, 1857 bilang pagkilala sa patron ng bayang ito na si St. Francis Xavier. Ito rin ay pinaniniwalaang huling balwarte ng mga Hapon noong World War II. At nakasaad sa kanyang blog na sa harap ng simbahang ito makikita ang Bantayan sa Hari na isa ring makasaysayang estruktura sa Alegria. Mayroong museum ding matatagpuan ditto kung saan ang ma sinaunang kagamitan na nahanap sa Kambulakan cave noong 1999 ay makikita. Bukod sa Kambulakan cave, matatagpuan din sa Alegria ang Salay cave at Cambusay cave. Ayon kay Christian Vncent Literatus (2015), ang Cambusay cave ay nagmula sa salitang “Busay” na nangangahulugang talon dahil sa loob ng kwebang ito ay may parang tumigas na talon na gawa sa talactites na makikita. Bukod sa mga kweba, ang lugar na ito ay mayaman din sa mga batis at talon tulad na lamang ng Cambais falls, Cancalanog falls, Montpeller falls at Kawa-kawa falls. Bukod sa mga natural na tanawin dito, may mga iba’t-ibang resort din na maaaring tuluyan tulad na lamang ng Batong Malunhau Beach resort na matatagpuan sa barangay ng Madridejos at Costa deLeticia Resort and Spa.

Kaugnay ng mga biyayang natatanggap ng mga taga-Alegria, ipinagdiriwang nila tuwing ika-2 ng Disyembre ang “Kawayan Festival” kasabay ng pyesta ng kanilang bayan upang magbigay puri at pasasalamat sa kanilang patron na si St. Francis Xavier. Ipinagdiriwang nila ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “street dance” kasama ang pagpapakita ng kanilang mga gawang produkto mula sa kawayan.

Ilan lamang iyan sa mga magagandang yaman sa bayan ng Alegria. Karamihan sa mga ito ay hindi pa gaanong nadidiskubre ng mga hindi lokal na tao dahil ang bayan ng Alegria ay isang nakakubling yaman sa Pilipinas.




-Isinulat ni Phoebe F. Obias-

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento