Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Ang Ugaling "Mamaya Na"


Likas sa mga mag-aaral o estudyante ang magpaliban ng mga gawaing pampaaralan tulad ng mga takdang-aralin o proyekto. Nangyayari ito sapagkat mas inuuna nila ang mga hindi naman gaanong importanteng gawain nang dahil sa mas madali, mas nakakasiya o mas kaaya-aya itong gawin kaysa mga gawaing pampaaralan. Ang ugaling ito ay tinatawag na pagpapaliban o “procrastination” sa wikang ingles.
Ayon sa isang dalubhasa sa pag-aaral ng sikolohiyang si Propesor Clarry Lay, na isa ring tanyag na awtor sa paksang “Procrastination”, ang pagpapaliban ay nangyayari kapag nagkakaroon ng ng malaking pagkakaiba sa dapat na kaugalian (intended behavior) sa isinagawang kaugalian (enacted behavior). Tila natural nang hintayin ng mga “procrastinators” ang oras kung kalian malapit na ang nakatakdang pagpasa ng gawain bago ito umpisahang gawin. Ito ay nangyayari sapagkat mayroong malaking pagkakaiba sa oras na kailangang gawin at sa kung kalian ito aktwal na ginawa.
Mababasa sa blog na http://www.studentprocrastination.blogsite.com, ang pagpapaliban ay maaaring magdulot ng stress sa kabataan, sa kadahilanang napipressure silang tapusin ang isang gawain na nangangailangan ng limang oras para matapos sa isang oras lamang. Kaya ang resulta o kalabasan ay hindi kagandahan at napaghahalataang hindi ito napaghandaan sapagkat hindi ito ginawa kung kalian mayroon pang maraming oras upang gawin ito.
Ayon sa nasabing blog, mayroong limang paraan upang maiwasan ang pagpapaliban ng dahil sa katamaran. Ang unang paraan ay ang gawin ng maaga ang mga nakatakdang gawain, gawin ito habang may oras pa. Ang sapat na oras ay magbibigay ng panahon upang paghandaan ang isang gawain kaya nararapat lamang na simulan ito ng maaga. Ang pangalawa ay ang paggawa sa isang permanente at tahimik na lugar upang hindi maabala sa mga gawain. Pangatlo, kung maaari ilayo ang mga bagay na maaaring magdulot ng pagkawala ng pokus sa gawain. Ang mga halimbawa nito ay ang cellphone, computer, telebisyon at iba pang kagamitan na maaaring maging abala sa iyong gawain.
Malaking tulong rin ang pagsasaayos ng pag-iisip tungkol sa gawain. Ilagay sa isipan na kailangang matapos ang proyekto na ito kahit na malayo pa ang deadline. Sa pamamagitan ng pag-iisip na ito, hindi tatambak ang iyong mga gawain. At ang panghuli ay ang pagsasaayos ng “time management”. Kung maaari, tapusin muna ang mga madadaling gawain kaysa sa mahihirap. Gawin ring makatotohanan ang iskedyul ng mga gawain. Karagdagan pa, humingi ng tulong sa isang kaibigan na kung saan, maaari niyang bantayan ang iyong progreso sa mga gawain at punain ang iyong pagpapaliban. Maaari niyang ipaalala saiyo ang mga nakaakibat na konsikwensya kapag hindi mo natapos ang isang gawain.
                Ang unti-unti pag-iwas sa pagpapaliban ay isang hakbang patungo sa pagkawala sa ugaling ito. Nararapat nang iwasan ang mga salitang “Mamaya Na” upang matagumpay na matapos ang isang gawain sa oras. Hindi mo kailangang ma-stress sa paparating na deadline kung uumpisahan mo na ngayon.



  -Isinulat ni Nelzae C. Capinig-

1 komento: