Biyernes, Nobyembre 18, 2016

KASAYSAYAN NG WIKANG PAMBANSA


            Sa pagmulat pa lamang ng ating mga mata, hindi natin maipagkakaila na ang wika ay isang napakalaking parte ng buhay ng isang tao na hinding-hindi maiaalis at maiiwasan. Ito ay sa kadahilanang ang wikang ating sinasambit ay ang pinakamahalagang sangkap para sa komunikasyong pantao (Lachica,1998). Ayon kay Barker (1993), ikinukunekta ng wika ang nakaaraan, kasalukuyan at ang ating hinaharap. Sa paglipas ng panahon, ang mga kultura at tradisyon ay may posibilidad na maglaho. Ngunit sa pamamagitan ng wika, ang mga ito ay nabubuhay muli na siyang nagpapakilala ng nakaraan sa kasalakuyan.

            Sa pagtungtong pa lamang ng elementarya ay naipagbigay alam na sa atin na ang Pilipinas ay isang arkipelago na binubuo ng mahigit sa pitong libong mga isla. Kaya’t hindi kataka-takang nakabuo ng maraming hiwa-hiwalay na etnolinggwistikong grupo ang ating bansa na kung saan ang bawat isang grupo ay may kaniya-kaniyang katutubong wika na ayon naman sa pag-aaral ay may mahigit apat na araan na bilang (Constantino, 1990). Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nakatatak sa ating kasaysayan ang pagkawatak-watak at kawalan ng pagkakaisa ng mga Pilipino tungo sa iisang hangarin para sa ating bansa. Sa kabilang dako, nakapagdulot rin naman ito ng positibong epekto. Nagkaroon ng sari-sariling literatura ang bawat etnolinggwistikong grupo sa Pilipinas. Kaya’t isa ang ating bansa sa maituturing na may pinakamayamang literatura sa buong mundo.

            Taong 1500, ilang taon bago magsimulang manakop ang mga mandarayuhan at mapasailalim sa Imperyal Espanya ang Pilipinas, alibata o baybayin ang tawag sa katutubong paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno noon. Nang tayo ay masakop na ng mga kastila na pinamunuan ni Ferdinand Magellan, ang alibatang binubuo ng labimpitong titik ay pinalitan ng alpabetong Romano. Sa mahigit tatlong daang taong pananakop ng dayuhang Kastila, malaki ang kampanyang isinagawa nila upang burahin ang sinaunang kultura ng ating bansa, Ipinagdamot nila sa mga mamamayang Pilipino ang karapatang magkaroon ng kaalaman sa wikang Kastila. Ito ay dahil sa kagustuhan nilang manatiling mang-mang at watak-watak ang mga Pilipno upang mapagtakpan ang korapsyong laganap sa kanilang paligid at nang maiwasan ang paghihimagsik ng mga ito sa pamahalaan ng Kastila. Sa halip, ang mga misyonerong Kastila na lamang mismo ang nag-aral ng mga wikang katutubo. Para sa mabilis na pagkatuto, ang mga prayle’y nagsulat ng kanilang sariling diksyunaryo, aklat-panggramatika, katekismo at mga kompesyonal (Yenbehold).

            Makalipas ang ilang taon, unti-unting nagbago ang polisiyang Espanya. Nangibabaw ang liberalismo kaya’t nagkaroon na ng pagkakataon ang ibang Pilipno na makapag-aral sa Europa. Dito na sila nagsimulang magkaroon ng kaalaman sa wika ng mga Kastila. Sa panahon ding ito nabuo ang propagandang kilusan na may layuning gawing probinsya ng Espanya ang Pilipinas. Dito na nagsimulang tumindi ang damdaming nasyonlismo ng mga Plipino (Laneria, 2011). Maraming akda ang naisulat sa wikang Tagalog. Pawang mga akdang nagsasasad ng pagiging makabayan, masisidhing damdamin laban sa mga kastila ang pangunahing paksa ang kanilang isinulat. Sa mga pangyayaring ito, nabigyang ideya ang mga Pilipino na magkaroon ng opisyal na wikang gagamitin sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas na nakasaad naman sa Saligang Batas ng Biak-na-Bato noong 1987. Sa pangunguna ni Andres Bonifacio, Tagalog ang napiling opisyal na wika ang isinulat sa probisyon (Yenbehold).

            Nagtagumpay ang rebolusyon ngunit ito rin naman ang siyang pagdating ng mga Amerikano sa pamumuno ni Almirante Dewey. Napag-alamang ang Pilipinas ay ipinagbili ng mga Kastila sa US sa pagitan ng Treaty of Paris (Laneria,2011). Ang mga Amerikano ay mayroong sapat na armas at kasanayan sa digmaan kaya’t hindi na kagulat-gulat nang matalo ang mga Pilipino sa mga ito. Ayon pa sa pag-aaral ni Jacob Laneria, upang tuluyang masakop ang buong Pilipinas, kinuha nila ang loob ng mga mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagay na ipinagkait sa kanila ng mga Espanyol, ang edukasyon. Ngunit ang paksa namang tinatalakay sa loob ng paaralan ay pawang ukol sa kultura ng mga Amerikano lamang. Nilimitahan ang mga paksang ukol sa ating sariling bansa na naging sanhi ng kawalan ng interes ng mga estudyante sa ating kultura at labis na pagtangilik sa mga gawang Kano. Kung ito’y pagmamasdan, ito ay patuloy na nadarama  hanggang sa kasalukuyang panahon. Gayon pa man, ang pagtuturo gamit ang Ingles sa primaryang lebel ng paaralan ay napatunayang nagpapabagal sa pagkatuto ng mga kabataang Pilipino. Resulta nito, ang pagmungkahi ni Butte noong 1931 na ang wikang Tagalog ang gamiting midyum sa pagtuturo sa primaryang lebel ay ipinatupad.

Nang mga panahong ito’y hindi na malaman kung ano nga ba ang nararapat itakda bilang wikang opisyal ng Pilipinas – Kastila, Ingles o Tagalog. Ayon kay Rafael Palma, maaring gawing wikang opisyal ang wika ng Kastila, na tinuligsa naman ni Juan L. Arscimals, Sinabi niya na sa kabila ng paghahangad na makalaya sa mga dayuhang mananakop ay itinatali naman natin ang ating dila sa wikang banyaga.

            Taong 1935, nang maupo si  Manuel L. Quezon bilang pangulo ng Pilipinas, nadama niya ang kahirapan ng mga Pilipino nang siya’y sa tuwing magtatalumpati sa iba’t-ibang pook, sapagkat hindi nila maayos na nababatid ang nais iparating nito. Ito ang tuluyang nagpamulat sa kanya na labis na nangangailangan ang ating bansa ng iisang wika na makapag-iisa at makapagbubuklod ng mga Pilipino. Nang sumapit ang taong 1936, itinatag ng pangulo ang Surian ng Wikang Pambansa alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 upang magsagawa ng pananaliksik at mga alituntunin nang maayos na mapili ang wikang pambansa ng Pilipinas. Mula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas, hinirang ni Pangunolng Quezon si Jaime C. De Veyra (Bisayang Samar) bilang tagapangulo, Cecilio Lopez (Tagalog) bilang Kalihim at Punong Tagapagpaganap, Santiago A foracier (Ilokano), Filemon Sotto (Bisayang Cebu), Felix S. Rodriguez (Hiligaynon), Casmiro F. Perfecto (Bikolano) at Hadji Butu (Muslim) bilang mga kagawad. Makikita rito na hindi pumapabor sa iisang rehiyon lamang ang pagpili ng wikang pambansa.

            Sa pagpili ng wikang pambansa ay may tatlong kraytiryang pinagbasehan ang mga miyembro ng lupon. Ang wika ay nararapat na ginagamit ng maraming Piliipno partikular sa Maynila na sentro ng edukasyon at kalakalan, ginagamit ng pinakadakilang panitikang Pilipino at wikang may pinakamaunlad na balangkas at madaling matutunan ng mga Pilipino. At wikang Tagalog lamang ang nakatugon nito. Disyembre 30, 1937, sinasabing Tagalog ang batayan ng wikangpambansa na nagkabisa lamang makalipas ang dalawang taon, Disyembre 30, 1939 (Yenbehold).

       Hindi pa nagtatapos sa Amerikano ang pananakop ng mga dayuhan sa ating bansa. Sa kasagsagan ng World War II, nagkaroon din ng papel ang mga Hapon sa kasaysayan ng Pilipinas. Masalimuot man ang naranasan ng ating mga ninuno sa kamay nila, napayabong naman ng mga ito ang literaturang Piipino. Tuluyang inalis ang wikang Ingles sa paaralan kapalit ng wikang sarili kasabay na rin ng Niponggo. Nais ipabatid ng mga Hapon na lahat ng mga Asyano ay magkakapatid at salot ang mga Amerikano (Laneria, 2011). Sa panahong ito, wikang Tagalog at Niponggo ang mga opisyal na wika.

            Hulyo 4, 1946, opisyal ng naging malaya ang bansa. Nakasulat sa Batas Komonwelt Blg. 570 na wikang Tagalog, Ingles at Kastila ang mga wikang opisyal. Ngunit muli nanamang namayagpag ang wikang Ingles sa mga pahayagan at pamahalaan.

       Makalipas ang ilang taong pagsasawalang bahala sa wikang pambansa, nahalal si Ramon Magsaysay bilang pangulo ng bansa. Naisabatas na ang petsang Marso 29 hanggang Abril 4 ay nakalaan para sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Ito nama’y inilipat sa petsang Agosto 13 hanggang Setyembre 23, na kung saan ang huling petsa ay bilang pagpaparangal sa tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa” na si Manuel L. Quezon.

         1959, taon kung kailan ipinahayag ng Kalihim ng Edukasyon na si Jose E. Romero na “Pilipno” na ang wikang pambansa ngunit may iba pa rin ang hindi sumasang-ayon rito na nagresulta ng digmaang pangwika. Nang mapawalang bisa ang 1935 Konstitusyon, nabuo naman ang sab-komite na namamahala sa mga isyu tungkol sa wikang pambansa. Dito na napalitan ang Wikang Pilipino at ginawang Wikang Filipino. Ibinatay ito sa wikang katutubo at wikang mula sa mga dayuhang sumakop sa atin.

         Sa pagkahalal ni Corazon Aquino bilang presidente, hayagan niyang ipinakita ang pagsuporta sa wikang Ingles. Sa muling pagkakataon, ang wikang Ingles ay namayagpag muli sa panahon ng globalisasyon kung saan sa teknolohiya ang tuon ng pansin ng mga Pilipino sa ilalim ng pamamahala ni Fidel Ramos. Ang inakala namang pag-usbong ng wikang Filipino sa pagkaupo ni Presidente Estrada ay naging isang malaking pagkakamali. Sa halip ay lumabo pa ang mga posibilidad na iyon. At lalo pang lumabo nang maging pangulo si Gloria Macapagal Arroyo. Tuluyan ng nawala ang pagpapahalaga sa sariling wika at kultura (Magracia at Santos, 1968)
          
         Ang ganitong sistemang urong-sulong ay nakapagpapagulo sa utak ng maraming mamamayang Pilipino, lalo na para sa mga kabataan. Wikang Filipino ang itinuturong Wikang Pambansa sa kanila ngunit ang Ingles ang patuloy na lumalaganap at mas ginagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay. Unti-unti ng nabubura sa mga puso ng mga Pilipino ang sariling atin. Ang paggamit ng wikang Ingles o kahit ano pa mang banyagang wika ay hindi naman  ipinagbabawal, bagkus, mas nararapat lamang na bigyang pansin ang sariling wika na minana pa mula sa ating mga ninuno na kanilang pilit na ipinaglaban mula sa mga dayuhan. (Yenbehold).

Tekstong Imprormatibo ni: 
Jovelyn R. Obias

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento