Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Mga Pagbabago: Noon at Ngayon



Marami nang pagbabagong nagaganap sa ating mundo. Ang mga bansa na nabubuhay sa makalumang pamamaraan ay unti-unti nang nagiging makabago. Nagkaroon din ng pagbabago sa sistema ng transportasyon at pamamaraan ng pakikipagtalastasan o komunikasyon. Ang mga pagbabagong ito ay may malaking kaugnayan sa kinagisnang kaugalian.

Ayon sa aklat na ang Pilipino at ang Kasaysayan ng mga Bansang Asyano noong 1991, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng bawat bansa sa mga karatig-bansa, ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon na pamana ng nakaraan ay unti-unting binabago ng panahon. Isa sa mga pagbabagong ito ang pagbabago sa katayuan ng mga babae sa lipunan. Ang mga kababaihan noon ay karaniwan lamang na nasa tahanan at ang kanilang mundo ay umiikot sa mga gawaing bahay tulad ng paglilinis,pagluluto paglalaba at pamamalantsa.Wala silang karapatan na  makatuntong sa paaralan at magkaroon ng edukasyon. Kakaunti ang mga hanapbuhay o trabaho na inilalaan para sa kanila, gayundin ang mga karapatan nila bilang tao na naaayon sa batas. Ngayon, nagkaroon na sila ng karapatan na makapag-aral. Nabuksan na rin sa kanila ang daan upang magampanan ang iba’t-ibang uri ng gawain o hanapbuhay na dati rati ay mga lalaki lamang ang siyang gumagawa.Nabigyan rin sila ng pamahalaan ng mga karapatan bilang bahagi ng lipunan. Malaya na rin silang bumoto ng mga taong dapat manungkulan sa bayan.

Ayon sa nasabing website na https://camillegatbunton.wordpress.com kasabay ng mga pagbabagong nagaganap sa daigdig ay unti-unti na ring nababago ang ating lipunan. Noon, ang lipunan ay maituturing simple lamang, may sapat na kabuhayan ang bawat isa at maayos ang komunikasyon. Ang mga tao ay may magandang samahan, pagmamalasakit, pagmamahalan at may respeto at paggalang sa bawat isa. Ngayon, ang ating lipunan ay puno na ng iba’t-ibang pangyayari na nagpapasakit sa ulo ng bawat isa. Nariyan ang sari-saring polusyon, pagbabago sa klima gawa ng mga maling aksyon ng mga maling tao. Nariyan din ang mga trahedya, krimen dahil sa hindi pagkakuntento ng mg tao. Sa simpleng problema sa pera, nandyan na ang pagnanakaw at pagpatay. Ang lipunan natin ngayon ay masasabing binago na ng mahabang panahon. Ang dating kapaligiran na puno ng mga puno at halaman na nagpapaganda ngayon,ay wala na. Napalitan na ito ng mga malalaking gusali tulad ng mga malls, resorts at iba pa. Maganda man sa paningin ang mga pagbabagong nangyari sa ating lipunan ngunit ito’y walang magandang epekto sa ating kalikasan.

Batay sa website na www.scribd.com, sa ating panahon ngayon, kapansin-pansin ang pag-unlad ng paraan ng pamumuhay na ating tinatamasa kumpara sa ating mga ninuno. Hindi maitatanggi na kalimitan sa mga pagbabagong ito ay bunga ng modernong teknolohiya. Sa simula ay sapat ito at kuntento tayo sa biyayang dulot nito sa ating buhay subalit sa paglipas ng panahon dumarami ang ating mga pangangailangan. Ito ang naging dahilan upang umisip ng paraan ang tao kung paano matutugunan ang mga pangangailangang ito. Sa tulong ng makabagong siyensiya at teknolohiya, nagbago ang pamamaraan ng ating buhay pati na rin ang ating kapaligiran. Nakapaglalakbay ang tao sa kalawakan at narating din ang ilalim ngkaragatan. Sa isang saglit, agad naipararating ang mga kaganapan saan mang sulok ng mundo sa pamamagitan ng internet at satellite. Kung ating nanaisin ay maaari tayong makipag-ugnayan sa taong nais nating makausap dahil mayroon na ngayong cellphone. Iba’t ibang gamot na panlunas sa mga nakamamatay na karamdaman ang nalikha dahil sa makabagong teknolohiya. Dahil din sa agham at teknolohiya kung bakit umunlad ang mga industriya na lumilikha ng ibat’ibang gamit sa paghahanapbuhay at lumikha din ito ng mga trabaho para sa maraming tao. Ang pagsulong ng makabagong teknolohiya ay may maraming benepisyong naidudulot sa tao na kung saan maaaring magdulot ng ating kaunlaran.

Hindi nga maikakaila na napakalaki na nang pagbabago’t pagkakaiba noon at ngayon. At sa darating pang mga panahon ay marami pa ang magaganap na pagbabago. Kung kailangan nating sumabay sa pagbabago at agos ng panahon ay hindi natin masasabi dahil maraming pagbabago ang hindi angkop sa nais nating mangyari datapwat tutol man tayo dito ay wala tayong magawa. Walang permanenteng bagay dito sa mundo kundi ang pagbabago.



-Isinulat ni Ma. Francia C. Esplago-



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento