Sabado, Nobyembre 19, 2016

PILIPINAS: Demokratikong Bansa

Noon ang mga Pilipino ay walang sapat na karapatan upang pumili ng karapat-dapat na pinuno pero nung nagsimulang maging Pangulo ng Pilipinas si Cory Aquino noong ika-25 ng Pebrero 1986, nagsimula siyang manungkulan at siya ang nagpasimula ng Demokrasya sa Pilipinas kaya't ibinalik sa mga Pilipino ang karapatan upang bumoto at pumili ng pinuno. Si Cory Aquino rin ang tinaguriang "Ina ng Demokrasya", kaya dahil sa kanya naging Demokratikong Bansa ang Pilipinas.

Ayon sa aklat na ang Pilipino at ang Kasaysayan ng mga Bansang Asyano (1991), ang salitang Demokrasya ay mula sa Wikang Griyego. Binubuo ito ng dalawang bahagi, ang mga ito ay ang demos at kratia. Ang demos ay nangangahulugan ng "tao" at ang kratia ay nangangahulugan ng "pamumuno ng mga tao". Sa loob ng maraming taon, ipinaglaban ng ibang bansa sa Asya ang Demokrasya upang di mapalitan ng ibang Ideolohiya. Isa na dito ang pakikipaglaban ng Pilipinas. Nakapailalim sa Saligang Batas 1987 na may anyong Presidensyal ang Pamahalaan ng Pilipinas. Mayroon itong tatlong sangay: kagawarang tagapagpaganap na pinamumunuan ng Pangulo o ang Sangay, ang kagawarang pambatasan na binubuo ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ang kagawarang panghukuman na binubuo ng Korte Suprema at ng Mababang Hukuman.

Batay sa website na documents.tips/documents/ang-kahulugan-ng-ideolohiya.html, ang Ideolohiya ay ang kaisipan na tuwirang sinusunod ng mga tao. Ang Demokrasya na nakapailalim sa Ideolohiya na ang kapangyarihan sa pamahalaan ay nasa kamay ng mga tao. Sa Demokrasya ay maaaring makilahok ang mga mamamayan ng tuwiran o di-tuwiran. Ito ay tinatawag na direct o tuwirang Demokrasya kung ibinoboto o malayang naipipili ng mga mamamayan ang gusto nilang mamuno sa pamahalaan at ito naman ay itinuturing na di-tuwirang Demokrasya kung ang mga kinatawan sa pamahalaan ang ibinoboto ng mga mamamayan na siyang pipili ng pinuno sa pamahalaan.

Nakasaad naman sa website na www.gov.ph, isang republikang may pampanguluhang anyo ng Pamahalaan ang Pilipinas kung saan mas pinaigting ang paghahati ng pantay na kapangyarihan sa tatlong sangay na tinawag nang: Ehekutibo, Lehislatibo, Hudikatura. Ang Lehislaturang Sangay ay ang tagagawa ng batas kung saan nahahati ang institusyong ito sa Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan. Ang Ehekutibong Sangay ay ang tagapagpatupad ng batas, ito ay binubuo ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Ang panghuling sangay ay ang Hudikaturang Sangay, ang tagapaghukom kung saan binubuo ito ng Korte Suprema at Mababang Hukuman.

May mga katangian na taglay kaya't naging Demokratikong bansa ang Pilipinas batay sa website na www.academia.edu. Unang katangian ay ang pagboto na nagsasaad na ang mga mamamayang may sapat na gulang ay maaaring makapamili ng mga opisyal na mangangasiwa sa pamahalaan. Karapatan ng mga mamamayan na pumili kung sino ang mamumuno na gagawa at magpapatupad ng mga batas. Isa rin sa mga katangian ay ang karapatan ng  mamamayan na makialam sa pamamaraan ng pamamalakad ng pamahalaan at ang lahat ng mamamayan ay pantay sa harap ng batas. At ang panghuling katangian ay nagpapahayag na ang pagbabago ay maaaring makamtan sa paggawa ng mga batas, pagkakaroon ng mga aralin o leksyon, o ang pagrerebisa sa Saligang Batas.

              Sa kasalukuyan, itinuring nang matatag na Demokratikong bansa ang Pilipinas dahil napagtibay ang karapatan ng mga mamamayang Pilipino. Kaya't bilang isang mamamayang Pilipino, mahalagang ambag ito sa akin sa darating na makabagong henerasyon na magpapatuloy sa nasimulan ng umiiral na pang-kasalukuyang pamahalaan. Bilang isang Demokratikong Bansa ang Pilipinas, tayong mga Pilipino ay may kakayahang mabuhay ng malaya sa ating sariling bansa ngunit kailangan din nating tandaan na kakambal ng ating kalayaan ay ang mga nakaatas sa ating mga tungkulin na kailangan nating isakatuparan. Itatak rin natin sa ating mga utak o isipan na ang kalayaan ay may kaakibat na limitasyon at huwag natin itong abusuhin. Dapat tayong mga mamamayang Pilipino ay maging responsable sa pagkakaroon ng Demokratikong Bansa.



-Isinulat ni Francheska Mary A. Babar-


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento