Sa pag-aaral ng FAO o Food and Agriculture Organization, sa taong 2050 ay inaasahang lumampas ng 9 bilyon ang paglobo ng populasyon at bababa ng lubusan ang lupang maaaring sakahin dahil sa urbanisasyon at pagbabago ng klima. Kinakailangan ng agrikultura ng intensibo na paggamit ng lupa at yamang likas, kung kaya't mahalaga ang GMO's sa pagpapagaan ng pabigat na suliranin na ito sa mundo. Ngunit, ano nga ba ang GMO?
Ayon sa Kagawaran ng Agrikultura, ang Genetically Modified Organism o mas kilala sa tawag na GMO, ito ay isang microorganism, halaman, o hayop na naglalaman ng 'genes' galing sa kaparehong organismo gamit ang pamamaraan ng Genetic Engineering. Ang Genetic Engineering ay tumutukoy sa agham ng paggawa ng mga pagbabago o pagmamanipula sa 'genes'(parte ng isang nilalang na kumokontrol o nakakaimpuwensya sa hitsura,paglaki, atbp. nito) ng isang halaman o hayop upang makapagdulot ng kaaya-ayang resulta (Merriam-Webster's Dictionary).
Sa paglalahad ng kasaysayan ng Genetically Modified Crops ni Lecia Bushak sa Medicaldaily.com, simula pa lamang noong 12,0000 taon ay nagsimula na ang magsasakang ibahin ang kalidad ng mga pananim ng isang siyentipiko at Augustong prayle na si Gregor Mendel, dahilan upang ituring siya bilang "Ama ng Makabagong Genetiks". Nagpatuloy ang pagmamanipula ng komposisyon ng mga pananim hanggang sa taong 1988 kung saan inumpisahan ang paggawa ng GMO na soya, palay, tubo, kamatis, at patatas na dinesenyo upang makaiwas sa epektong dulot ng mga insekto, pamatay-halaman (herbicide), at pamatay-insecto (pesticide). Dulot nito ay mas mura at mas maraming ani.
Ang patuloy na pagpapaunlad ng estado ng mga pananim gamit ang GMO's sa paglaon ng panahon ay nagpapakita na ng benepiusyo sa sektor ng agrikultura sa iba't ibang bahagi ng mundo. Sa istatistika ng PG Economics na siyang nagtatala ng mga benepisyong dulot ng GM Crops, ipinapakita ang pagtaas ng bilang ng ani sa iba't ibang bansa tulad ng Romania na tumaas ang ani ng soya ng 31%, Hawaii na tumaas ang ani sa papaya ng 40%, at India sa ani ng kanilang bulak ng higit sa 50%. Ayon din rito, dahil sa pagpapakilala ng herbicide-tolerant corn ay bumaba ang paggamit ng pamatay-halaman sa mga mais ng 20 bahagdan mula noong taong 1996.
Bunsod sa mga benepisyong dulot ng GM na mga pananim, maraming mga bansa na ang bukas sa paggamit ng GMO's tulad ng Estados Unidos at Pilipinas. Ayon sa Kagawaran ng Agrikultura ng Estados Unidos o USDA, 89 porsyento ng mga taniman ng mais sa Pilipinas ay binubuo ng herbicide-tolerant corn. Ayon naman sa artikulo ni Randy Fernandez sa The Philippine Star noong ika-1 ng Marso 2015, ang Pilipinas ay ika-12 sa mga bansang nahahanay bilang pinakamalaking tagapagtanim ng Genetically Modified na mga pananim. Mapupuna rin ang epekto nito sa agrikultura ng mais sa Pinas matapos tumaas ang ani ng nasabing pananim ng halos 24% ayon sa datos ng PG Ecomomics.
Sa artikulo ni Julian Cribb noong 2010 na pinamagatang "The Coming Famine: The Global Food Crisis and What We Can Do to Avoid It", binanggit niya na kung ang bawat tao ay gagamit ng lupa gaya ng mga taga-Estados Unidos, mangangailangan tayo ng apat na mundo upang mapunan ang ating pangangailangan. Kung kaya't mahalaga na maging inobatibo sa paggamit ng likas na yaman lalo na sa ating kalupaan. Ipinapakita ng GM Crops ang paggami ng siyensiya upang mapaunlad ang ating kumbensyunal na pamamaraan sa agrikultura. Ang GM Crops- mahalagang produkto ng siyensiya at biyaya sa ating agrikultura.
-Isinulat ni AJ Isidro Belaro-
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento