Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Ang Sikolohiya: Noon at sa Makabagong Panahon


Ang Sikolohiya, ayon kay Fernld LD (2008) ay ang pag-aaral sa kilos at isip, kasabay ang lahat ng aspekto ng may malay at walang malay na mga karanasan. Isa itong sangay ng agham at displinang pang-akademikong naglalayong maintindihan ang kilos at gawn ng isang indibidwal sa pamamagitan ng mga prinsipyo at pag-aaral sa mga ispesipikong kaso. Malaki ang ginagampananang papel ng sikolohiya sa buhay natin kahit na hindi man natin ito madalas mapansin.

Nagmula ang salitang sikolohiya sa dalawang Griyegong salita, ang pukhe na nangangahulugang hininga, ispiritu at kaluluwa, at ang logia na nangangahuugang pag-aaral o pananaliksik. Unagng ginamit ang salitang latin na psychologia ni Marko Marulic, isang Croatian na manunulat, sa kanyangaklat na Psichiologia de ratione animae humane (Steven Blankart, 2003), kung saan nagsimulang mapukaw ang interes ng mga tao sa pag-aaral ng kilos at gawing ng ibang tao. Subalit kung babalikan natin ang kasaysayan, ang mga sibilisasyon ng Ehipto, Griyego, Tsina, India at mgaing ng Persia ay mayroon ng mga paunang ginawang pag-aaral sa kilos ng tao. Ayon kay T.L Brinks sa aklat niyang Psychology: A Student Friendly Approach (2003), sa taong 4th B.C nanghinuha na si Hippocrates, isang Griyegong manggagamot na ang maaring dahilan ng mga sakit sa pag-isip ay dahil sa pisikal na dahilan na maaring magamot ng pisikal din na paraan at hindi dahil sa mga sumpa. Sa Tsina naman, may mga nagsimula ng pag-aaralan kung hanggang saan ang limit ng utak ng tao at kung maaring magamit ito bilang basehan sa kanilang angking talino at galing sa iba pang aspekto. Ito rin ay kanilang pinasimulan na pag-aralan sa pag-asang makakakuha sila ng mga kagamitan na maaaring maglunas sa mga sakit sa pag-iisip na nakakaapekto sa mga pagkilos at paggalaw ng tao.

Si Gustav Fechner ang nagpasimula ng eksperimental na sikolohiya sa taong 1830. Sumunod naman si Herman von Helmholtz na nag-aral sa persepsyon ng isang tao gamit ang kanilang karanasan. Ang kanyang naging mag-aaral na si Willhelm Wundt ang nagtatag ng unang laboratoryong sikolohikal  na nagbunga ng eksperimental na sikolohiyang nakatuon sa pagsisiyasat at pagsasaayos ng iba’t ibang sakit na nakakapekto sa pag-iisip ng isang tao. Sa pagpasok naman ng makabagong panahon, marami na rin ang mga naitatg na institusyong naglalayong gamitin ang sikolohiya sa larangan ng medisina.

Ayon kay Gregory noong 2011 sa aklat niyang Psychological Tetsing, ang paggamit ng sikolohiya sa pagtutukoy ng sakit ng isang tao ay nagpasimula pa noong Dinastiyang Han ng Tsina. Ginagamit nila ang iba’t ibang uri ng mga pasulat at pasalitang pagsusulit upang masiyasat kung gaano kalusog at hanggang saan ang limit ng pag-iisip ng isang tao at kung mayroon ngang pumipigil dito na karamdaman. Sa katotohanan, hanggang ngayong kasalukuyang henerasyon, ang sikolohiya  ay ginagamit pa rin sa pagtukoy kung gaano kalusog ang isip ng isang indibidwal. Ang mga taong tinatanggap upang magtrabaho sa isang asylum o mental health care ay madalas nag-aral sa larangan ng sikolohiya upang mkatulong sa pagpapadali at pagpapagaan ng proseso ng pagpapagamot sa mga taong nagdurusa sa iba't ibang uri ng sakit sa pag-iisip. Mayroon din na mga pumapasok bilang mga therapists sa  mga nagkaroon ng emosyonal at mental na pagbabago na dulot ng isang tromatikong insidente. 

Sa pag-aaral naman, ang sikolohiya ay mayroon pa ring malaking papel, hindi lang sa pag-aaral ng mga normal na tao kundi mas higit pa sa mga mayroong kapansanan. Madalas din na ang mga guro sa ganitong uri ng mag-aaral ay nakapagtapos ng digri sa sikolohiya. Ayon kay Falk Leichsenring at Eric Leibing (2003), mas magiging epektibo ang pagkatuto ng mga mag-aaral na may kapansanan sa kapaligiran na mayroong nakakaintindi sa kanila kaysa sa kung isang normal lamang na guro na sa ibag larangan nakatuon ang kanilang espesyalisasyon.

Ayon naman sa aklat ni Myers na Motivation and Work: Psychology, mas nagiging maganda ang bunga at resulta ng isang taong may kaalaman sa sikolohiya sa kaniyang trabaho at pakikipagsalamuha. Mas nagiging produktibo rin ang mga tao matapos ang kanilang seminar-workshop sa personal development na may halong sikolohiya. Kung sa larangan naman ng militar, ang sikolohiya ay nagagamit upang tulungan ang mga beterenarong sundalo na nagdudusa sa post-traumatic stress disorder at mapanatiling malusog ang mga sundalo, sa emosyonal at mental na aspekto. Sa pag-aalam naman kung totoo nga ang sinasabi ng isang nahuling ispiya mula sa ibang bansa, ang isang sikolohista ay tumutulong sa pamamgitan ng pagbabasa ng utako, kilos at gawa ng isang tao.

Hindi man gaanong kilala ang sikolohiya sa mundong ginagalawan natin at natatangi lamang ang mayroong kaalaman ukol dito o kaya naman ay talagang may interes, ang sikolohiya, simula noon at hanggang ngayon ay may malaking papel pa rin sa ating buhay. Sa ating pag-aaral, o maging sa trabaho, ang paggamit ng sikolohiya ay makakatulong upang mas mapalago ang sarili at ang iba. 


-Isinulat ni Jeanne Micah Herrera-

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento