Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Ang Mga Makatotohanang Nangyayari Sa Pamilyang Pilipino


Ang pagpaplano ng pamilya ay itinuturing na mabisang sandata tungo sa pag-unlad ng pamilya at magandang kinabukasan ng mga anak. Sinasabing mahahadlangan daw ng pagpaplano ng pamilya ang patuloy na pagdami ng populasyon ng tao sa mundo. Ngunit ang artipisyal na pamamaraan at aborsyon na sinasabing pamamaraan sa pagpaplano ng pamilya ay tinutuligsa ng simbahan. Ang artipisyal na pamamaraan na pagpigil sa pagkakaroon ng anak ay itinuturing na hindi natural at paglabag sa kalikasan ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos. Ayon sa simbahan, walang masama sa pagpapatlang ng anak kung ito ay dadaanin sa natural na pamamaraan. Ayon sa aklat ni Villanueva (1995), kung ang pamilya ay patuloy na mahihikayat ng mapandayang artipisyal na pagpaplano ng pamilya ay magpapatuloy ding mapipinsala ang kalusugan ng gumagamit, ang pagbaba ng moralidad ng bayan at ng buhay espiritwal ng mag-asawang Pilipino.
Sa kasalukuyang panahon, parami ng parami ang gustong magsama na lamang ng walang pananagutan ng mga mag karelasyon o tinatawag na live in. Ipinahayag ni Torres (1994) at mula sa datos ng NSO-NCRFW (1992) na bumababa ang bilang ng nagsasama na may bisa ang kasal. Ayon sa nasabing datos noong 1980, ang bilang ng nagpapakasal ay 7.3% sa bawat 1,000 pareha na nagsasama ngunit simula ng taong 1990 ay naging 6.6% na lamang sa bawat 1,000 na pareha  ang nagpapakasal. Ipinalagay na patuloy na dumarami ang nagsasama nang walang benepisyo o pakinabang ng kasal sa simbahan o sibil man.
Samantala, ang pamilyang may solong magulang o single-parent ay ang mabilis na lumalaganap na istilo ng pamilya sa ating bansa. Batay sa aklat ng Megatrends, The Future of Filipino Children (1998), ang ilan sa kadahilanan sa paglaganap ng nagsolong magulang ay ang paghihiwalay ng mag-asawa, pag-abandona sa anak, pag-aanak sa labas, pag-aasawa ng maaga at pagtatrabaho sa ibang bansa. Ang pagiging single-parent ay napakahirap gampanan dahil siya ang umaako ng lahat na responsibilidad na dapat gampanan na magkatuwang na mag-asawa. Ang pagkawala ng isang magulang ay napakatinding epekto sa pagkatao ng maraming kabataan.
Nakakalungkot isipin na patuloy ang paglaganap ng broken families o ang pagkawatak-watak ng pamilya. Kapag kasi ang tensyon sa pagitan ng mag-asawa ay matindi, malamang ang kanilang pagsasama ay nagwawakas at ang pinaka naaapektuhan dito ay ang kanilang mga anak. Dahil dito hindi nabibigyan ng sapat at tamang pagsubaybay ang kanilang mga anak, kaya gumagawa sila ng hindi kanais-nais na gawain tulad ng paninigarilyo, paggamit ng droga, pag-iinom at pagrerebelde na nagigiging sanhi ng pagkasira ng kanilang kinabukasan.
Ang kahirapan ay isa sa mga suliraning kinakaharap ng pamilyang Pilipino ngayon. At ito ang dahilan kung bakit maraming kabataan ang nagtatrabaho sa ngayon. Ang mga kabataang ito ay napipilitang magtrabaho upang makatulong sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Ayon kay Doicese of Borongan Bishop Crispin Varquez, maraming magulang ang tamad magtrabaho at may mga bisyo kaya napipilitan  ang kanilang mga anak na magtrabaho kahit bata pa sila para gampanan ang responsibilidad ng kanilang mga magulang kaya tumutulong na rin ang mga anak sa pagtatrabaho.(GMA 2013).
Ang pagiging isang magulang ay isang hamon. Nangangahulugan ito ng buong puso at tapang na pagharap sa mga responsibilidad na dapat gampanan. Hindi man maiwasan ang paghihiwalay ng mag-asawa, kailangan pa rin nitong gabayan ang kanilang mga anak para hindi masira ang kanilang kinabukasan kundi para maging maayos ang kanilang paglaki, mayroon silang kumpiyansa sa sarili at may pananalig sa Diyos. Para naman sa mga batang nagmula sa hindi buong pamilya, kailangan nilang maging responsable at matatag sa mga pangyayari at gawin nila itong inspirasyon dahil balang araw ito ang aahon sa kanilang kahirapan. Ayon kay Lagdameo (CRC), upang hadlangan ang paglaganap ng salik na sumisira sa pagsasamahan at kapayapaan ng pamilyang Pilipino ay kailangan ang sama-samang pagsisikap ng lahat na myembro n pamilya upang mapanatili ang katatagan nito.



-Isinulat ni Gail E. Refugio-

1 komento: