Biyernes, Nobyembre 18, 2016

Epekto ng Social Networking Sites sa mga Kabataan



Ang social networking sites ay isang serbisyong well-based kung saan ang isang indibidwal ay maaaring gumawa ng isang pampublikong profile, makita ang profile ng ibang indibidwal at makilala ang ibang tao. Ngsimula ang social networking sites noong 1995 sa pagtayo ng pinkaunang social network na  Classmates.com, sumunod dito ang SixDegrees.com noong 1997, LiveJournal.com noong 1999, Friendster.com noong 2002, MySpace.com sa taong 2003 at Facebook.com noong 2004 na patuloy pa ring ginagamit ngayon sa kasalukuyan. Ang paggamit ng social media o social networking sites ay maaaring magdulot ng postibo at negatibong epekto sa ating sarili, pamilya at lipunan. Dahil dito nagbabago ang ugali at kultura ng isang tao, ayon kina Boyd at Ellison (2007).

Sa patuloy na paggamit ng mga kabataan ng social networking sites, naaapektuhan nito ang kanilang sarili sapagkat nababasa at napag-uusapan nila dito ang mga isyung pangmadla o forum para ipakita ang kontra-sosyal at palabang ugali. Ayon kay Wallace (2000), ang paggamit ng internet o social media ay nag-uugnay sa madalas na paggamit ng mga kabataan ng mura, insulto at mga agresibong salita. Sa kadahilanang pwedeng iwan ng kung sinuman ang isinulat na masamang komento sa pamamagitan ng paglo-logoff. Sa karagdagan, ang social network ay nagdudulot ng adiksyon sa mga kabataan. Ayong kay Young (1996), may dalawang klase ng gumagamit ng social network, ito ay ang “dependent” na gumugugol ng 39 oras sa internet para sa sosyal na pakikipag-usap at pakikihalubilo. Samantala, ang “independent” naman ay kumokonsumo ng 5 oras lamang para sa “net surfing” o “e-mail”.

Hindi lamang ang iyong sarili ang pwedeng maapektuhan ng paggamit ng social networking sites kundi pati na rin ang iyong pamilya. Ayon kay Kraut at kanyang mga kasamahan (1998), may kinalaman ang paggamit ng social networking sites sa pagtaas ng depresyon at pagdalang sa ugnayan sa mga kaibigan at pamilya. Sa kadahilanang kaunti o kulang na ang oras na iginugugol nila sa kanilang mga kaibigan at pamilya. Halos kalahati ng kanilang oras ay iginugugol nila sa paggamit ng social networking sites.

Maraming epekto ang social network sa lipunan. Sa pamamagitan ng paggamit nito malalaman ng mga kabataan ang mga pangyayari sa kasalukuyan at magkakaroon sila ng kamalayan at kaalaman sa ibang mga kabataang tulad nila. Sa kabilang banda, di natin maiiwasan ang masamang epektong dulot nito sa ating lipunan. Isa na dito ang pagtaas ng kaso ng “cybercrime” at mga panloloko sa ating bansa. Ayon sa ulat ng CSI/FBI Computer Crime and Security (2000), sinasabi na 79% ng mga kabataan ang umaabuso sa social networking sites at isa sa mga abusong ito ay ang pagdownload ng pornograpiya. Sa karagdagan, sa isang sarbey na ginawa ng NOL poll ng ICM, sinasabing halos lahat ng respondente ay humihingi ng karagdagang kontrol upang maiwasan ang panloloko at pornograpiya. Sa pamamagitan nito, maaaring mabawasan ang mga negatibong epekto sa paggamit ng social networking sites at magamit ito ng tama at hindi inaabuso.

Sa kasalukuyan, mas dumami ang bilang ng mga kabataan na gumagamit ng social networking sites. At dahil dito mas dumami din ang mga naaapektuhan nito, positibo man o negatibo. Ang ibang kabataan ay nauubos ang kanilang oras sa paggamit ng social networking sites at hindi na nila napagtutuunan ng pansin ang kanilang pag-aaral at iba pang mga gawain. Sa kabilang banda, meron ding positibong epekto ang paggamit ng social networking sites. Napagkukunan ito ng mga kabataan ng impormasyon na magagamit nila sa kanilang pag-aaral at magkakaroon sila ng kamalayan at dagdag na kaalaman sa mga pangyayari sa kasalukuyan. Ginawa ang social network para gamitin ito sa mabuti, hindi para abusuhin at gamitin sa kasamaan.



-Isinulat ni Jane A. Dominguez-



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento